Sumali Sa Talakayan
Sunday, October 31, 2010
"Caritas in Veritate" o Pag-ibig sa loob ng Katotohanan Part I
Sa paggawa ng kalooban ng Diyos natin natatagpuan ang katotohanan.
Ang sinulat na Encyclical na 'Caritas in Veritate' ni Papa Benito XVI, ay tumatalakay sa mga mahahalagang bagay para sa kaunlaran ng bawat tao at ng kaunlaran ng lipunan. Sinasagot nito ang mga tanong na: Ano ang Pag-ibig, ano ang Katotohanan, ano ang doktrinang panlipunan ng Iglesiya , ano ang kaugnayan ng mga turo na ito sa ating panahon ngayon: kakulangan sa trabaho, pandaigdigang kagutuman, paghihirap at kurapsyon sa pamahalaan
Tutukuyin ng Sto Papa ang mga katungkulan at limitasyon ng mga pamahalaan at magbibigay ng hamon sa mga pangkasalukuyang idelohiya o paraan ng pag-iisip sa pag-asang magkakaroon ng mga pagbabago sa ating mga sistema.
Populorum Progressio
Tinalakay ni Benito XVI ang mga katuruang panlipunan na nakapaloob sa Encyclical na isinulat ni Papa Pablo VI noong 1967 na Populorum Progressio na nagbibigay liwanag sa sitwasyon ng lipunan natin ngayon at ang kaunlaran ng mga tao. Itinuro niya na ang pangunahing paraan sa pag-unlad ng mga tao ay ang pamumuhay sa loob ni Kristo at dapat nating linangin ang ating sarili sa paggamit ng ating mga puso at ng ating kaalaman, ang pag-galaw sa loob ng pagmamahal at ng katotohanan, pag-ibig sa loob ng pagmamahal o sa "Caritas in Veritate" .
//Caritas in Veritate sa globalized world
Mayroon tayong facebook, twitter email, mga smart devices. Nalalaman natin ang mga nangyayari sa kabilang dulo ng ating mundo sa pamamagitan ng makapabagong teknolohiya sa komunikasyon. Mayroong mas matinding pagsasalamuha ng kultura at ideya ng mga bansa ngunit ang bilis ng pagbuo ng koneksyon ay 'di napapantayan ng etikal na paghahalubilo ng konsiyensya at ng isipan. Ang ugnayan na nabubuo ay nagkukulang ng perspektibo na mahalag para sa kabuuang kaunlaran ng bawat tao, katawan at espiritu.
Ano ang misyon ng Simbahan sa ating lipunan?
Walang teknikal na solusyon ang Iglesiya sa ating mga kasalukuyang suliranin at 'di humahadlang ang Iglesiya sa politika ng Estado ngunit ang Iglesiya ay may misyon upang ipangalat ang katotohanan upang masigurado na ang lipunan ay nakasentro para sa tao, sa dignidad ng tao at sa bokasyon ng tao
------------------------
Ano ang kahulugan ng "Caritas in Veritate" o Pag-ibig sa loob ng Katotohanan?
Tignan natin ang salitang 'Pag-ibig'.
Ang pag-ibig ay 'di lang pakiramdam, ito ay grasya: ito ay bigay ng Diyos mula sa kanyang kabutihan at tinatawag tayo upang ibigay ang pag-ibig na ito; Ang pag-ibig na ito ay nabunyag at kapiling natin kay Hesus at ibinigay sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Tayo din ay tinatawag upang bumuo ng ugnayan ng pagmamahal
()Ang pagmamahal ay nagbibigay ng laman sa ating personal na relasyon sa Diyos at sa ating kapwa.
()Ito ang pinaka-puso ng Doktrinang Panglipunan ng Iglesiya. Ang bawat katungkulan na pinapaalala ng Iglesiya ay umaagos mula sa pag-ibig na pinaka-buod ng Kautusan ng Diyos (cf. Mt 22:36- 40)
Ano ang kahulugan ng salitang "Veritate"?
Ito ay ang Katotohanan. Ang Katotohanan ay 'di gawa-gawa lamang. Ito ay natatagpuan at natatanggap. Halimbawa, alam natin na ang isang lapis ay hindi isang prutas. Maaring pilitin natin ang sarili natin at sabihin na ang lapis ay isang prutas ngunit 'di nagbabago ang katotohanan na ang lapis ay 'di isang prutas.
May tinatawag tayo sa nangyayari ngayon na "relativization of truth" na isang maling paniniwala na ang 'katotohanan' para sa isang tao ay maaring hindi katotohanan para sa ibang tao. Ang maling paniniwala na ito ay nagsasabi na ang 'katotohanan' ay nababatay lamang sa kung ano ang sa personal nating pananaw na totoo. Mayroon tayong madalas na sinasabi na "Kanya Kanyang paniniwala lang yan'" Alam natin na ito ay mali dahil mayroon talagang katotohanan. Ang Katotohanan mismo ay nagkatawang-tao at si Hesu-Cristo, ang Diyos na naging tao ang Katotohanan. Alam din natin na ang Katotohanan ay 'di nagbabago.
Paano natin nalalaman ang katotohanan tungkol sa ating mga sarili? Maari ba nating makilala ang katotohanan? Ang Diyos ay mabuti at makapangyarihan. Binigyan niya tayo ng kakayahan upang mahanap at malaman ang katotohanan. Nangangahulugan na ang ating pagnanasa upang hanapin ang katotohanan ay bokasyon ng bawat tao na itinanim ng Diyos sa loob ng ating mga sarili.
Saan natin makikita ang katotohanan? Nahahanap natin ang katotohanan sa batas ng kalikasan o "Natural Law" na siyang likas na sistema ng mga bagay. Unti-unti nating nakikita ang plano ng Diyos para sa sangnilikha at para sa mga tao. Higit sa lahat, nakikita natin ang katotohanan sa pagtingin natin kay Kristo kung saan ang paghahanapa natin sa pag-ibig at katotohanan ay pinadadalisay at pinapalaya ni Hesu-Cristo sa kabila ng ating mga pagkukulang tulad ng paghina ng ating mga isip at mahinang kalooban na mga bunga ng orihinal na kasalanan. Ibinunyag ni Hesus ng buo kung ano ang pag-ibig at ang tunay na plano na inihanda ng Diyos para sa atin.
Ngayong alam na natin kung saan mahahanap ang katotohanan ng tungkol sa tao, sa pamamagitan ng katotohanang ito, nagkakaroon tayo ng pagakataon na tunay na mahalin upang makatulong sa kanilang paglago at upang makamtan natin ang hustisya at ang kapayapaan. Ang ganitong uri ng pag-ibig ay lumalagpas pa kahit sa mga pagkukulang sa kultura o nakaraan ng tao. Halimbawa, alam ng kahit anong bansa na ang pumatay, ang magnakaw at mangalunya ay mali kahit anupman ang kultura at relihiyon ng mga tao. Kung mahal natin ang tao ng tunay, kailngan natin silang mahalin sa daan ng katotohanan. Hindi ito madali kung minsan at kung minsan ito pa nga ay sanhi ng pagtatakwil at pag-iwan sa tao lalo na kung sinasabihan natin ang iba na mali ang kanilang ginagawa. Ang pinaka ehemplo ng prinsipyo ng Caritas in Veritate ay si Hesu-Cristo na siyang nagpakita ng ganitong paraan sa Kaniyang buhay sa lupa at, higit sa lahat, sa Kaniyang pagkamatay ay muling-pagkabuhay.Kahit ang Diyos na nagkatawang-tao ay nakaranas na maitakwil at maiwanan. Kay Kristo, nakikita nating ang mukha ng pagmamahal sa loob ng katotohanan, na siya ding tawag sa atin na mahalin ang aitng mga kapatid sa katotohanan ng Kaniyang plano. Siya mismo ang Katotohanan. Minsan, nagmamahal tayo batay sa ating mga maling akala at batay sa ating mga nararamdaman na 'di katiyakan ng tunay na pag-ibig. Ang pagkakamali na ito ay minsang nagdadala sa atin na gawin ang kabaligtaran ng pag-ibig.
itutuloy
No comments:
Post a Comment