Sumali Sa Talakayan

Saturday, July 18, 2009

Hesus, ang ating pastol

"...He took pity on them because they were like sheep without a shepherd,". Fr. Jun's video http://is.gd/1C1iS RCASF http://is.gd/1C1re

Noong nakaraang pagbasa, nagsalita ang Panginoon tungkol Kanyang mga sugong propeta at ang di-pagtanggap sa kanila ng mga tao. Nagpaalala ang Diyos na kahit alam Niya na matigas ang mga puso ng mga tao, patuloy pa ding magsasalita ang mga sugo upang maipadama sa kanila ang presensiya ng Diyos.

Sa pagbasa ngayong Linggo, ang pagbasa ay nagbigay naman ng babala sa mga sugo ng Panginoon na 'di naging tapat sa kanilang katungkulan. Mahalaga para sa bayan ng Diyos ang magkaroon ng mabuting tapangalaga.
Nagbigay ng pangako ang Diyos na Siya mismo ang mangangalaga ng Kanyang mga tupa. Paano at kailan kaya ito tinupad ng Diyos?

"Ako ang mabuting pastol" sinabi ni Hesus, isang pagpapatibay na si Hesus mismo ang Diyos na mismong mangangalaga ng mga tupa. Makikita natin ang kaugnayan ng Unang Pagbasa sa babasahing Ebanghelyo. Kadalasan, magka-ugnay ang dalawang pang-linggong pagbasa na ito. Sinasabi ng Unang Pagbasa sa Lumang Tipan ang pangako ng Diyos, at ang katuparan ng lahat ng pangako sa babasahing Ebanghelyo. Ang katuparan ng mga pangako at plano ng Diyos ay na kay Hesus at sa Kanyang mga gawa.

Naidagdag ni Hesus sa Juan na kilala ng Kanyang mga tupa ang kanyang boses at nakikinig sa Kanya ang Kanyang mga tupa. Naikuwento ni Fr. Jun na kapag nadinig ng mga tupa ang kanilang amo, kusang lumalapit ang mga ito sa kaniya.

Ninais ni Hesus na makibahagi ang mga obispo, pari, lalo na ang Sto. Papa sa pagiging pastol ni Niya.

Noong 2005, naranasan natin ang mawalan ng punong pastol nang pumanaw si Papa Juan Pablo II. Nang makailuklok si Papa Benito XVI, nagdiwang ang buong Katolika Iglesiya dahil muling pagkakaroon ng mabuting pastol. Alam natin bilang mga Katoliko ang kung gaano kahalaga ang kanyang katungkulan. Ayon sa CCC:

"Dahil sa pananampalataya ni Pedro, siya ang matatag
na bato na magpapanatili at magproprotekta ng
pananampalataya at magpapatatag ng pananampalataya ng
kanyang mga kapatid CCC552(http://is.gd/1CXbp)."

Ang katungkulan ni Pedro ay naipapasa sa mga humahalili sa kanyang posisyon. Kaisa naman ng Sto. Papa ang mga obispo na mga pastol ng kani-kanilang Diocese.

Nakasaad sa Ebanghelyo ang pagod nina Hesus at Kanyang mga disipulo. Pinapaalala sa atin nito na 'di madali ang trabaho ng mga namumuno sa ating simbahan kaya naman kailangan nating sikapin na sila ay matulungan at masuportahan. Nakamusta niyo na ba ang inyong mga pari? Naaya niyo bang makapamasyal ang mga kaibigang madre? Ipagdasal din natin sila para sa malakas na katawan at pagkakaroon ng sapat na materyal na bagay. Higit sa lahat, ipagdasal natin ang kabanalan ng kanilang mga espiritu. Patuloy din tayong humingi sa Panginoon upang mabiyayaan tayo ng mga mabubuting mga pari.

Tulad ng mga disipulo, nangangailangan din ng pagpapahinga ang bawat Kristiano. Ito nga ay binigyang diin kamakailan lang ni Sto. Papa Benito XVI bigyang oras ang pagdarasal at bawasan ang labis na paggawa.

Nakita natin ang pagsunod ng mga tao kina Hesus. Inunahan pa nga nila si Hesus sa Kaniyang pupuntahan. Sa awa ni Hesus, Siya ay nagturo sa kanila. Marami sa ating mga kababayan ang patuloy na naliligaw dahil sa pagsunod nila sa ibang pastol. Kailangan ay maiparinig natin sa kanila ang boses ng Panginoon sa pamamagitan ng pamamalita sa kanila ng tunay na pangaral ni Hesus. Sa simpleng kuwentuhan, banggitin natin ang kabaitan ng Panginoon. Ipakita natin sa kanila bunga ng grasya na nasa atin tuwing makakasalamuha natin sila. Sa paraang ito, makikilala nila na si Hesus ang gumagalaw para sa kanila sa pamamagitan natin. Madidinig nila ang boses ng pastol na laging naghihintay at tumatawag sa kanila.

Sa ating pastol lamang tayo patuloy na makakatanggap ng tunay na makalangit na pagkain mula sa Kanyang Salita at sa Kanyang Katawan at Dugo sa Eukaristiya. Kaya nga, upang mas maging tapat ang mga Katolikong mangangaral sa tinig ng Diyos, malaking tulong ang pag-aaral ng Catechism of the Catholic Church, pagbasa ng mga dokumento ng simbahan, at pagsunod sa mga naatasan ng simbahan.

Tanging sa ating pastol lamang at sa pagsunod natin sa Kanya natin matatamo ang tunay na kapayapaan. Maiuugnay natin sa pangalawang pagbasa ang bagay na nakakamtan lang natin kung tayo ay nasa pangangalaga ni Hesus. Ang kapayapaan, tulad ng pagbibigay liwanag ni Fr. Jun, ay ang panunumbalik ng ating relasyon sa Diyos, sa ating kapwa at sa kalikasan. Di lang ito simpleng katahimikan. Matatandaan natin ang unang epekto nang kasalanan kina Adan at Eba. Dahil sa kasalanan, 'di na lubusang nagpailalim sa kanila ang kalikasan. Naranasan ang pagdanas ng kamatayan at pagkabulok ng mga nabubuhay na bagay. Sa kuwento ng tore ng Babel, nakita natin na kasalanan din ang wumasak sa pagkaka-isa ng mga tao na nasaksihan sa pag-iba-iba ng mga wika at nasyon. Nasabi sa pangalawang pag-basa na si Hesus mismo ang ating kapayapaan, di posibleng matamo ito kung wala Siya. Unang naipangako ang kapayapaan sa Genesis nang sabihin ng Panginoon ang tungkol sa poot ng babae at ng ahas at ang pagtapak ng binhi ng babae sa ulo ng ahas. Madalas na gawing simbulo ang krus bilang pag-papaalala sa atin ng bunga ng sakripisyo ni Hesus. Ang pababang bahagi ng krus ay ang pagbabalik ng relasyon ng Diyos sa tao. At ang pahalang na bahagi ay ang pagbabalik ng relasyon ng tao sa kanyang kapwa. Nasaksihan natin sa Libro ng Gawa na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, nabaligtad ang sumpa ng Babel nang maintindihan ng iba't ibang lahi ang pangangaral ni Pedro. Kay Hesus, naibunyag ang misteryo na ang plano na sa sakripisyo ni Hesus, maililigtas ang lahat ng tao, Hentil man o Hudyo. Kay Hesus, naitaguyod ang bagong sistema ng pagliligtas, ang sistema ng grasya. Sa literal na kahulugan, ang grasya ay nangangahulugang libre o walang bayad. Isang handog. Sa gamit ng Bibliya, ang grasya ay ang pananahan ng Diyos sa atin na nagpapabanal sa atin. Ang grasya ay ipangkakaloob ng Diyos 'di dahil sa ating mga ginawa, sa halip, ito ay dahil sa Awa at pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng sakripisyo ni Hesus sa Krus.

Sa Lumang Tipan, ipinakita ng Diyos na imposibleng mailigtas ng tao ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa batas dahil imposible na masunod ang lahat ng batas ni Moises. Tanging si Hesus lang ang tumupad nito at Kanya itong binigyang katuparan sa
bagong batas ng grasya. Tayo ay nagiging matuwid at banal nang dahil sa pananahan ni Hesus sa atin.

Your groupmate,

eric

No comments: